Isang 29-anyos na lalaki ang nasawi matapos na barilin ng isang siga na inawat niya sa panggugulo sa Paco, Manila noong Sabado ng madaling araw.
Nasawi habang ginagamot sa Sta. Ana Hospital ang biktimang si Jhenson Mallari, 29, at residente ng 1545 Interior 26 Bo. Sta. Maria Street, Paco, Manila.
Nakatakas naman ang suspek na nakilalang si Macky Reyes, residente ng 1511 Bo. Sta. Maria Street, sa Paco.
Lumilitaw sa isinagawang inisyal na pagsisiyasat ni PO3 Rodel Benitez, imbestigador ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, na naganap ang insidente dakong 1:00 ng madaling araw sa Bo. Sta. Maria.
Nauna rito, nag-iinuman umano ang biktima at mga kaibigan nito nang dumating ang lasing na suspek na kilalang siga sa kanilang lugar, at bigla na lang gumawa ng gulo.
Pinakiusapan umano ng biktima ang suspek na magpahinga dahil wala naman umano itong kaaway sa kanilang grupo.
Gayunman, hindi ito pinansin ng suspek at nagpatuloy ito sa pagsigaw kaya napilitan ang grupo ng biktima na ihinto na ang kanilang inuman para makaiwas sa gulong ginagawa ng suspek.
Ipinasiya naman ng biktima na umuwi na lamang pero laking gulat nito nang harangin siya ng suspek at barilin bago mabilis na tumakas. – Mary Ann Santiago